NavigationBAYAN O URI? |
BAYAN O URI?Submitted by ICC on Wed, 07/11/2007 - 18:23.
Ang 1960s ay kasiglahan ng third worldism at alamat ng pambansang pagpapalaya. Ang madugong digmaan sa Byetnam na inilarawan ng mga kaliwa at liberal bilang ‘dakilang pakikibaka ng mamamayang Byetnames laban sa imperyalismong US'; ang Tsina bilang moog ng inaaping mga mamamayan ng daigdig, at ang mga kaisipan ni Tsirman Mao hinggil sa di-maunlad na mga bansa na bumubuo ng napakalaking rebolusyonaryong hukbo at kumukubkob sa kapitalistang mga sentro; ang necrophiliac na kulto kina Che; Castro, Ben Bella, Fanon, Marcuse, black power ... isang buong henerasyon ng mga estudyante at maging ng mga militante sa uring manggagawa ang pinalaki sa mga alamat na ito at sa iba't-ibang mga kampanya ng pagkakaisa sa ‘anti-imperyalistang' pakikibaka. Ang manggagawang industriyal sa abanteng mga kapitalistang bansa, ayon sa alamat, ay nabili na ng imperyalismo; nagpaligaya sila sa mga benepisyo ng masaganang kapitalismo sa kapinsalaan ng mga mamamayan ng ikatlong daigdig. Ang proletaryado ay hindi na ang pangunahing rebolusyonaryong pwersa sa lipunan. Ang motibasyon para sa rebolusyon ay magmumula sa magsasaka at mahihirap na masa sa atrasadong mga bansa, na pinamunuan ng mahusay na gerilyang mga hukbo at nakipag-alyansa sa bagong rebolusyonaryong taliba sa abanteng kapitalistang mga bansa -- hindi sa mga manggagawa, kundi sa mga estudyante, mga ‘itim', ‘kababaihan' ... Sa 1970s, lahat ng mga alamat na ito ay walang awang nalantad sa napakaliwanag na pandaigdigang krisis ng kapitalismo. Ang krisis sa istorikal na bangkarotang pandaigdigang kaayusan ay nagbunsod ng dalawang pundamental na reaksyon mula sa dalawang pangunahing mga uri sa lipunan. Ang burgesya, nahati sa nagtunggaling mga pambansang estado at imperyalistang bloke, ay natulak papuntang pandaigdigang digmaan. Ang uring manggagawa, tagapaglikha ng panlipunang yaman, ay natulak tungong mga pakikibaka para ipagtanggol ang kanyang mga istandard sa pamumuhay - pakikibaka na hahadlang sa digmaan at magbukas sa posibilidad ng komunistang rebolusyon. Ang ebolusyon ng dalawang magkaibang mga tunguhin sa nakaraang dekada ay nagsilbi para durugin ang lahat ng kasinungalingan at mga ilusyon hinggil sa tinatawag na mga pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya. Habang naanod ito papuntang pandaigdigang digmaan, napilitan ang burgesya na palakasin ang pagkapit sa kanyang imperyalistang sistema. Ang imperyalismo ay saktong nagkahulugan na ang buong daigdig ay dominado, pinaghatian, ng pangunahing kapitalistang kapangyarihan. Sa buong imperyalistang panahon ng pandaigdigang kapital walang bagong independyenteng kapitalismo na lumitaw o lilitaw: imposible ang pambansang kalayaan. Bawat bansa, bawat praksyon ng kapital ay napilitang isanib ang sarili sa military-economic complex na ipinataw ng pangunahing mga kapangyarihan - na sa ngayon ay ang mga imperyalistang bloke ng Amerika at Rusya. Bawat digmaan, bawat pagpihit ng internasyunal na pagkahanay, ay nagkahulugan lamang na ang pandaigdigang pamilihan ay nahahating muli, ang mga nakulimbat ay muling pinaghati-hatian. Ito ang nangyari sa buong ika-20 siglo pero mas malinaw ito sa mga panahon ng hayagang krisis, gaya ng naranasan natin sa mahigit sampung taon. Sa mga panahong yaon, kailangang palakasin ng mga imperyalistang bloke ang kanilang internal na pagkakaisa. Kailangang tipunin nila ang kanilang kontrolado na mga estado para panghimasukan ang anumang erya na nais pasukin ng ibang bloke. Hindi nila papayagan na maka-maniobra ang karibal na bloke na saan mang bahagi ng mundo. Itong nakakagimbal na realidad ng dalawang bloke na nagpapalakas sa kanilang mga sarili para sa paghahanda sa panghuling bakbakan ang siyang umiimpluwensya sa lahat ng mahalagang pangyayari na nababalot ng imahe ng makabayang mga pakikibaka sa nagdaang sampung taon:
Ito lamang ang pinakamalinaw na mga halimbawa kung saan nailantad ng krisis ang sinasabing digmaan ng pambansang pagpapalaya ay walang iba kundi inter-imperyalistang mga masaker, hakbang tungo sa isang pandaigdigang holocaust. Sa kanilang sarili, sa isang banda, ang naturang mga halimbawa ay mauuwi laman sa pesimismo, sa ganap na negatibong pagtakwil sa ideolohiya ng pambansang pagpapalaya. Pero ang kontra-tendensya tungong pandaigdigang digmaan - ang internasyunal na makauring pakikibaka - ay hindi lang naglalantad sa alamat ng pambansang pagpapalaya. Ito ay nagbibigay ng positibong paraan para maligtas ang proletaryado, ang mga rebolusyonaryo, at ang inaaping mga masa ng daigdig. Ang pakikibaka ng mga manggagawa sa diumano napalayang mga bansa sa ikatlong daigdig ay hindi lang nagpapakita sa lantarang anti-manggagawang katangian ng mga pwersa ng pambansang mapagpalaya, na sinalubong ang maliit na paglaban ng uring manggagawa ng walang awang represyon at istirikal, sobinistang mga pakiusap para sa disiplina ng paggawa at pambansang pagkakaisa. Pinakita nito na ang uring manggagawa ay umiiral at nakibaka sa lahat ng mga bansa, at pareho ang mga kaaway sa lahat ng mga bansa - ang pulis, sundalo, mga unyon, nasyunalismo, at ang pekeng ‘sosyalismo' ng kaliwa ng burgesya. Pinakita nito na ang mga kondisyon para sa pandaigdigang rebolusyon ngayon ay nahihinog kahit saan. Pinakita nito na ang mga manggagawa at rebolusyonaryo ay hindi pasibong tagamasid sa inter-imperyalistang bangayan: may mapagpilian silang kampo, ang kampo ng proletaryong pakikibaka laban sa lahat ng mga paksyon ng burgesya at lahat ng imperyalismo.
Kung ang pagpipilian lang ng sangkatauhan ngayon ay sa pagitan ng imperyalistang digmaan at pandaigdigang rebolusyon, itanong lamang natin ang papel ng mga pakikibaka sa pambansang pagpapalaya. Bahagi ba sila ng kilusan patungong pandaigdigang rebolusyon gaya ng sinasabi ng mga Trotskyista at Maoista, o sila ba ay labolatoryo ng pandaigdigang imperyalistang digmaan? Sila ba ay katuwang ng pakikibaka ng manggagawa, isang potensyal na alyado ng mga manggagawa, o sila ay direktang salungat sa makauring pakikibaka, mobilisasyon ng uring manggagawa sa likod ng mga bandila ng kanyang pinaka-mortal na kaaway? Walang gitna sa usaping ito. Ang mga pangyayari sa nagdaang animnapung taon, at sa partikular sa mga pangyayari sa nagdaang dekada, ay malinaw ang pagpipilian: "Alinman sa dalawa, tanggapin ang mga mistipikasyon ng pambansang pagpapalaya, na nagkahulugang bigyang katwiran ang pagsasamantala at panunupil sa mga manggagawa sa atrasadong mga rehiyon, at higit sa lahat nagkahulugan na sumapi sa paghahanda ng kapital para sa ikatlong digmaang pandaigdig; O pumanig sa pandaigdigang proletaryado laban sa lahat ng mapagsamantala, laban sa masaker ng mga manggagawa at magsasaka sa altar ng pambansang pagpapalaya, laban sa mga hakbanging pangkagipitan na sinabayan ng paghahanda para sa digmaan sa abanteng mga bansa pati na rin sa ikatlong daigdig, laban sa mala-halimaw na solusyon ng burgesya sa krisis, para sa transpormasyon sa lahat ng imperyalistang mga tensyon at alitan tungo sa digmaang sibil ng proletaryado laban sa burgesya!" (ICC text for the second international conference of revolutionary groups) Ang pampletong ito ay bahagi ng kontribusyon ng ICC sa tungkuling burahin ang mistipikasyon ng mapaminsalang ideolohiya ng pambansang pagpapalaya. Naglalaman ito ng orihinal na teksto ng pampletong Bayan o Uri?, unang inilathala sa 1976, at ang salin ng introduksyon ng edisyong Pranses ng pampleto, na dagdag na naglilinaw sa pagpapaunlad ng Marxistang posisyon hinggil sa makabayang mga digmaan. |
Internasyonalismo - latest articles
|